Bukas na ang Second regular session ng 19th Congress, sa pamamagitan ng magkahiwalay na sesyon ng senado at kamara, kaninang alas-10 ng umaga.
Sa kanyang speech, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ang kaganapan ngayon ay hindi naman maituturing na pagbabalik nila sa trabaho dahil hindi naman sila tumigil.
Tanging si Sen. Pia Cayetano ang absent sa sesyon kung saan inaprubahan ang Senate Resolution 681 na nagdedeklara ng kanilang Quorum at ito ay ipinapaalam sa Kamara; Senate Resolution 682 na ipinapaabot sa kaalaman ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na nagbukas na ang kanilang sesyon at Senate Concurrent Reso 12 na bumubuo sa Joint Notification Committee na sasalubong sa Pangulo sa Batasan Pambansa.
Samantala, sa Kamara, pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang first session day ng second regular session, ilang oras bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa Batasang Pambansa, mamayang alas-4 ng hapon.
Sa kabila ng mga isyu kamakailan na kinasangkutan ng matataas na lider ng kamara, ay wala namang nabago sa leadership structure ng mababang kapulungan ng kongreso.
Una nang tiniyak ni Romualdez sa publiko na mananatili silang committed sa pagpasa ng LEDAC-Approved Priority Bills. —sa panulat ni Lea Soriano