Umakyat na sa dalawampu’t pito ang bilang ng mga nasawi dulot ng masamang panahon simula noong Enero 2, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa latest situational report, sinabi ng NDRRMC na walo ang napaulat na namatay sa Zamboanga Peninsula, pito sa Northern Mindanao, anim sa Eastern Visayas, lima sa Bicol Region, at isa sa Davao Region.
Gayunman, labing apat lamang mula sa mga naiulat na nasawi ang kumpirmado.
Tatlo naman ang naitalang nawawala habang labing isa ang nasugatan.
Kabuuang 614,159 individuals o 151,365 families ang naapektuhan sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nakasaad din sa report ng NDRRMC na ang mga pinaka-binahang rehiyon ay kinabibilangan ng Eastern Visayas, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Nasa dalawang daan at pitumpu’t siyam na lugar sa bansa ang nananatiling lubog sa baha.
Apatnapu’t limang landslides ang naitala rin bunsod ng masamang panahon habang 1,281 na kabahayan ang napinsala, kung saan 912 ang partially damaged habang 369 ang totally damaged.
Tinaya naman sa ₱258.372 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura habang ₱171.430 milyon sa imprastraktura at ₱25.610 milyon sa National Irrigation Administration (NIA).
Kabilang sa mga nagdeklara ng State of Calamity ay ang San Miguel, Leyte; Eastern Samar; Calbayog City, Gandara, San Jorge, At Basey Sa Samar; Tubod, Lanao Del Norte; at General Luna, Surigao Del Norte.