dzme1530.ph

21 turista, patay matapos mahulog at masunog ang sinasakyang bus sa Venice, Italy

Hindi bababa sa 21 katao ang bilang ng mga nasawi matapos mahulog sa flyover at masunog ang sinasakyang bus sa Venice, Italy.

Ayon kay Venice Mayor Luigi Brugnaro, ala-1:45 ng madaling araw, oras sa Pilipinas, nang bumangga at lumusot sa barrier ng flyover ang naturang bus sa Mestre District.

Nirentahan lang aniya ang bus para maghatid ng mga turista mula Venice patungong campsite malapit sa Marghera District.

Maliban sa mga kumpirmadong nasawi, 18 pang sakay nito ang kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos magtamo ng serious injury.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa posibleng sanhi ng aksidente.

Samantala, nagpaabot naman ng kanyang pakikiramay si Italian Prime Minister Giorgia Meloni sa mga kaanak ng biktima kasabay ng pagtiyak na gagawin nila ang kanilang makakaya upang suportahan ang mga ito. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author