Itinuturing ni Senate President Juan Miguel Zubiri bilang best budget ang nilagdaang 2024 General Appropriations Act ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Kasabay nito, pinasalamatan ng senate leader ang Pangulo sa mabilis na paglagda sa budget na akma sa pagsalubong sa bagong taon.
Maipagmamalaki anya nila ang 2024 national budget dahil nakapaloob dito ang tamang pagbalanse sa mga gastusin sa social services, infrastructure development, at sa defense and security kabilang na ang dagdag na pondo sa Coast Guard na frontline sa pakikipaglaban ng bansa sa soberanya sa West Philippine Sea.
Ipinagmalaki rin ng senador na kanilang tinugunan sa budget ang alalahanin ng taumbayan sa isyu ng confidential funds makaraan nilang ilipat sa line item budget ang mga inirekomendang Confidential and Intelligence Funds (CIF) sa mga ahensya ng gobyerno.
Kaya naman patuloy ang panawagan ni Zubiri sa mga government agencies na doblehin ang epektibong implementasyon ng mgs proyekto at programa upang matiyak na mararamdaman ng taumbayan ang bawat sentimo ng 2024 national budget. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News