dzme1530.ph

2 traffic violators na sangkot sa pangingikil, pang iiscam, gamit ang pangalan ni FL Liza Marcos, arestado

Loading

Arestado ng PNP-Highway Patrol Group ang dalawang lalake na sangkot sa pang-i-scam at pangingikil gamit ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos matapos lumabag sa batas trapiko sa kahabaan ng Filipinas Avenue, sa Paranaque City.

Ayon kay HPG Dir. BGen. Eleazar Matta, sinita ang sasakyan dahil sa iligal na paggamit ng blinkers at protocol plate number ’12’, matapos ang isinasagawang traffic direction and control ng HPG.

Nang inspeksyunin ng otoridad ang sasakyan, dito na tumambad ang isang 9mm na baril, mga bala, tatlong bulletproof vest at isang C4 explosive device.

Dahil dito, inaresto ang dalawang sakay ng SUV, na nahaharap sa reklamong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition; R.A 9516 o Unlawful possession of Explosives; Presidential Decree 96 o ang Use of Unauthorized blinkers; resistance and disobedience to a person in authority.

Dagdag pa ni Matta, nagpapatuloy ang imbestigasyon kung bakit may dalang C-4 ang mga suspek na tila handa sa isang engkwentro.

Ibinunyag naman ni Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao, na kabilang sa naaresto ng HPG si Joselito Obsinada, isa sa tatlong naaresto sa isang entrapment operation noong Marso ng nakaraang taon, sa Pasay City, ngunit nakapagpiyansa kaya nakalaya.

Kinumpirma rin ni Lacanilao, na si alias JJ Cafe Javier, isa sa naarestong suspek, ay kaparehong taong nagpanggap bilang Undersecretary mula sa Office of the President at kaanak umano ng First Lady upang makakuha ng kontrata sa gobyerno.

Hinimok ang iba pang biktima ng dalawa na lumantad at magsampa ng kaso kasabay ng paalala sa publiko na maging maingat at huwag basta basta maniwala sa mga taong gumagamit ng pangalan ng First Lady, at First Family, dahil hindi ito pinahihintulutan ng pamilya.

About The Author