dzme1530.ph

2 paksyon ng PDP-Laban, may negosasyon na ng pag-aayos

Kinumpirma ni Sen. Christopher Bong Go na may konsultasyon nang nagaganap sa dalawang paksyon ng PDP-Laban upang maayos na ang gusot sa kanilang mga panig.

Sinabi ni Go na sa ngayon ay wala pang pormal na usapan subalit kumokonsulta na anya ang kanilang kampo at maging ang kampo nina Senate Minority Leader Koko Pimentel sa kani-kanilang mga miyembro.

Iginiit ni Go na siya bilang senador ng PDP-Laban, naniniwala siyang napapanahon nang magkabati at mag-usap at magkaisa ang dalawang kampo.

Idinagdag ng senador na iilan lamang silang miyembro ng partido kasama na ang apat sa Senado, ilang kongresista at ilang governors at mayors.

Binigyang-diin ni Go na mas nais niyang magkaintindihan na ang lahat dahil mas makakabuti ito sa partido at maging sa bayan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author