dzme1530.ph

2 commuters, sugatan makaraang mabangga ng umano’y lasing na MMDA traffic enforcer

Dalawang commuters ang sugatan makaraang mabangga ng umano’y lasing na naka-motorsiklong enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA Busway.

Sa video na ibinahagi ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ng Department of Transportation, nangyari ang insidente sa southbound portion ng EDSA busway malapit sa Main Avenue sa Quezon City.

Makikita sa video ang tila lasing na MMDA traffic enforcer na naka-uniporme pa at sinusubukang sumakay sa kanyang motorsiklo matapos ang insidente.

May isang punto rin na natumba ang enforcer kasama ang motorsiklo nito sa kalsada.

Isang motorcycle rider naman ang nakasaksi at isang konduktor ng bus ang humingi ng tulong sa coast guard personnel na naka-duty sa lugar para pigilan ang naka-disgrasyang MMDA enforcer na umalis. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author