dzme1530.ph

18-wheeler truck, sumabit sa footbridge sa EDSA-Quezon Ave.

Sumabit ang isang oil tanker sa ilalim ng footbridge sa EDSA-Quezon Avenue sa Quezon City, bandang ala-1 ng madaling araw kanina.

Ayon sa driver ng oil tanker, galing siya sa Batangas at pauwi na sana sa garahe ng kanilang kompanya sa San Mateo, Rizal.

Subalit, para makaiwas sa traffic ay ginamit niya ang Service Road na nasa ilalim ng flyover at footbridge na may vertical clearance na 3.3 meters, dahilan para sumabit ang oil tanker na kaniyang minamaneho.

Nabahala naman ang mga tauhan ng Task Force Disiplina dahil sa pagsingaw ng pinakatakip ng tanker na may lamang Liquefied Petroleum Gas.

Dalawang trak ng Bureau of Fire Protection ang dumating sa lugar para bantayan ang sitwasyon at binuhusan din ito ng tubig bilang paunang proteksyon.

Samantala, bandang alas-5:54 ng umaga nang matanggal ang nakasagabal na oil tanker at bukas na ulit para sa motorista ang sinarang bahagi ng Edsa-Quezon Ave. —sa panulat ni Airiam Sancho

 

 

About The Author