Na-selyuhan ang $120 million na halaga ng mga kasunduan sa pag-arangkada ng official trip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Saudi Arabia.
Sa roundtable meeting sa Riyadh kasama ang Saudi business leaders, inihayag ng Pangulo na mahigit 15,000 Pilipino ang makikinabang sa multi-million dollar deals.
Ito ay sa pamamagitan ng ibubunga nitong training at employment opportunities sa iba’t ibang larangan sa construction industry.
Kabilang sa mga lumagda ng kasunduan sa Pilipinas ang Al-jeer Human Resources Company o ARCO, at Maharah Human Resources Company.
Bukod dito, inaasahan din ang malaking investment deal mula sa al Rushaid Petroleum Investment Company.
Ang business roundtable meeting ay pinangasiwaan ng Saudi Ministry of Investment at Dep’t of Trade and Industry, at bukod sa Pangulo ay dumalo rin dito sina Trade Sec. Alfredo Pascual, Finance Sec. Benjamin Diokno, at Saudi Investment Minister Khalid Al-Falih. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News