Mahigit 105.131 milyong piso na halaga ng assistance ang tinanggap ng ilang rehiyong naapektuhan ng mga pag-ulan at bahang dulot ng Shear Line noong Christmas Weekend, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa latest situational report, sinabi ng NDRRMC na kabilang sa mga rehiyon na tumanggap ng ayuda ay ang MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, at Caraga.
Ang assistance ay binubuo ng Family Food Packs, Emergency Shelters, Hygiene Kits, Blankets, Bottled Water, at iba pang relief items.
Kabuuang 681,500 na katao o 170,978 na pamilya mula sa 1,133 na barangay ang naapektuhan ng Shear Line.
Nananatili sa 52 katao ang naiulat na nasawi na kinabibilangan ng labing tatlo ang kumpirmado habang 39 katao pa ang kinukumpirma pa.
Mayroon ding labing walo pang nawawala habang labing anim ang nasugatan.
Sa tala ng NDRRMC, mahigit 325.279 milyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura habang 268.565 milyong piso sa imprastraktura.