dzme1530.ph

10 mula sa 12 senatorial bets ng Marcos administration, nanguna sa SWS commissioned survey

Sampu mula sa 12 senatorial aspirants na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakakuha ng matataas na pwesto sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) senatorial preference survey na kinomisyon ng Stratbase group.

Sa Sept. 14 to 23 survey, tinanong ang 1,500 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na kung pa-pipiliin sila ng labindalawa mula sa listahan ng mga pangalan, sino ang posible nilang iboto sa pagka-senador.

Nanguna sa listahan si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na nakakuha ng 54%, sumunod sina dating Senate President Tito Sotto na may 34%, re-electionist Sen.Pia Cayetano (31%), dating Pangulong Rodrigo Duterte at re-electionist Sen. Imee Marcos na kapwa nakakuha ng 25%.

Nasa sixth to seventh spot naman sina dating Sen. Panfilo Lacson at re-electionist Sen. Bong Revilla Jr. na may tig-24% habang umakyat sa 8th spot si House Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar.

Pasok din sa Top 12 si Makati Mayor Abby Binay at ka-tie nito sa 9th to 10th spot si re-electionist Sen. Lito Lapid na may tig-20%.

Nalaglag naman sa 11th to 13th place si dating Sen. Manny Pacquiao na nakakuha ng 18%, gayundin sina re-electionist Senators Bong Go at Ronald “Bato” Dela Rosa.

Mula sa 12 senatorial aspirants na inendorso ng administrasyon, tanging sina re-electionist Senator Francis Tolentino at Interior Secretary Benhur Abalos ang bigong nakakuha ng pwesto sa Top 12. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author