Isa sa sampung contractors na inisyuhan ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee ay pinaiisyuhan na ng warrant of arrest. Ito ay kaugnay sa kabiguang dumalo ni Edgar Acosta, pangulo ng Hi-Tone Construction Development Corporation, bagama’t may ipinadalang kinatawan.
Nagkaisa ang mga senador na i-cite for contempt ang contractor bilang batayan ng kanyang pag-aresto.
Nanawagan si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta sa contractors na makipagtulungan at ituro ang mga opisyal ng DPWH o pulitiko na sangkot sa mga anomalya.
Iginiit ni Marcoleta na ang P100-B kontrata na napunta lamang sa 15 contractors ay malinaw na ebidensya ng sistematikong pandarambong.
Nais din nitong malaman mula sa Department of Budget and Management kung sinu-sinong mambabatas ang nasa likod ng budget insertions na naugnay sa mga maanomalyang kontrata.