Nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ng isang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Hanna at nagdaang bagyong Goring.
Batay sa situational report ng NDRRMC kaninang alas-8 ng umaga, mula sa Western Visayas ang napa-ulat na biktima, na kasalukuyan nang bine-verify.
Isinailalim naman sa State of Calamity ang Bayan ng Pototan sa Iloilo kahapon, Aug. 31 dahil sa epekto ng mga bagyo.
Kaugnay nito, pumalo na sa 106,677 families o katumbas ng 387,242 individuals ang kabuuang bilang ng mga naapektuhang indibidwal na mula sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region.
Sa nasabing bilang, 21,701 individuals ang nananatili sa mga evacuation center habang 24,827 individuals ang pansamantalang naninirahan sa ibang lugar.
Sumampa naman sa mahigit P395.2 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at mahigit P41.2 million naman sa sektor ng imprastruktura.
Samantala, umabot na sa P16.4 million ang halaga ng tulong na naipamahagi ng gobyerno sa mga biktima ng naturang kalamidad. —sa panulat ni Airiam Sancho