Tahasang sinabi ni Vice President Sara Duterte na welcome sa kanyang ina na si Elizabeth Zimmerman na patuluyin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bahay nito, sakaling maisipang ibenta ng common-law partner nitong si Honeylet Avanceña ang bahay ng dating pangulo sa Davao City.
Ayon kay VP Sara, bilang isang abogado, malinaw na kung nabili ng kanyang ama at ni Honeylet ang bahay habang sila ay nagsasama, itinuturing itong ari-arian na pagmamay-ari ng dalawa. Kaya’t maaari lamang ibenta ni Honeylet ang bahagi nito, at hindi ang buong property.
Dahil dito, inamin ng Pangalawang Pangulo ang kanyang pag-aalala kung saan titira ang kanyang ama oras na ito ay bumalik sa Pilipinas.
Nilinaw naman ng Bise Presidente na nananatiling magkaibigan ang kanyang mga magulang, ngunit hindi ito nangangahulugang may posibilidad ng pagkakasundo o pagbabalikan sa pagitan ng dalawa.