Ipinatutupad na sa walumpu’t pitong ospital ng Department of Health (DOH) sa buong bansa ang zero-balance billing sa mga ospital na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi kasama sa DOH hospitals na nag-aalok ng zero-balance billing ang apat na government-owned and -controlled corporations (GOCC).
Kinabibilangan aniya ito ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center.
Paliwanag ng kalihim, mas marami ang private rooms sa GOCC kumpara sa basic accommodations, subalit mayroon din namang benefit packages ang mga ito.
Idinagdag ni Herbosa na para ma-avail ang zero-balance billing, dapat naka-admit ang pasyente sa basic accommodation o ward ng DOH hospital.