![]()
Tumanggap si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ng 802 million pesos mula sa Sunwest Construction, na contractor ng umano’y ghost 289-million peso flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ito ang isiniwalat ni Atty. Jan Mark Busa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa trial proper ng malversation case laban kay Co at sa 15 na iba pa sa Sandiganbayan 6th Division.
Ayon kay Busa, tinanggap ni Co ang 802 million pesos sa pamamagitan ng check deposits na kinuha mula sa Sunwest accounts simula 2019 hanggang 2025.
Saklaw ng naturang panahon ang panunungkulan ni Co bilang kinatawan ng Ako Bicol Partylist.
Sinabi ng prosecutors ng Ombudsman na ang pagtanggap ni Co ng malaking halaga ay sumusuporta sa kanilang pahayag na nananatili itong beneficial owner ng Sunwest, taliwas sa nauna nitong pahayag na nag-divest na ito sa kumpanya.
