dzme1530.ph

‘WPS ATIN ITO!’ symbolic markers, tagumpay na nailagay sa West PH Sea

Matagumpay na nailagay ang mga symbolic floating markers sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea bilang bahagi ng Civilian Mission activities na pinangunahan ng ‘ATIN ITO’ Coalition ngayong araw, Mayo 15.

Sa social media post ng ‘ATIN ITO’ coalition, ibinahagi ng grupo na pasado alas-onse ngayong umaga ay matagumpay na nailatag ang mga symbolic buoys markers na may nakasulat na ‘Exclusive Economic Zone!’

Namahagi din ang civilian mission organizer ng ayuda sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar tulad ng food packs, gasolina, at iba pa.

Hindi naman tinukoy ng grupo ang kanilang eksaktong lokasyon para sa seguridad ng misyon.

Ala-siyete y medya kaninang umaga nang umalis sa Matalvis Port sa Masinloc, Zambales ang ikalawang civilian mission ng ‘ATIN ITO’ coalition na kinabibilangan ng nasa isandaang mga Bangka lulan ang mga volunteers, observers, at local at foreign media.

About The Author