dzme1530.ph

Whole-of-government approach para sa kaligtasan sa kalsada, iginiit

Loading

Nanawagan si Sen. Raffy Tulfo ng mas pinagtibay na whole-of-government approach upang mapabuti ang kaligtasan sa kalsada, pamamahala ng trapiko, at mas maayos na karanasan ng mga commuter, kasabay ng pagtuligsa sa mga naantalang road projects na nagdudulot umano ng malaking pinsala sa ekonomiya at lipunan.

Sa kanyang privilege speech, binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangang magtulungan ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang maiwasan ang dumaraming aksidente at pagkamatay sa lansangan.

Bilang chairman ng Committee on Public Services, sinabi ni Tulfo na dapat pag-aralan ang posibleng whole-of-government approach pagdating sa road safety at efficiency para sa commuting public.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 13,125 ang nasawi sa mga aksidente sa lupa noong 2023.

Samantala, iniulat ng Philippine National Police na tumaas ng 35% ang bilang ng namatay sa aksidente sa kalsada noong 2024 kumpara sa nakaraang taon.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan ang reckless at drunk driving, hindi pantay-pantay na pagpapatupad ng batas-trapiko, mahinang maintenance ng mga pampublikong sasakyan, hindi makatarungang kondisyon sa trabaho ng mga tsuper, kakulangan sa road safety education, at substandard na imprastraktura at maintenance ng kalsada.

Iginiit ni Tulfo na dapat magsanib-puwersa ang lahat ng sangay ng pamahalaan upang agarang makahanap ng solusyon sa lumalalang problema sa kaligtasan sa kalsada.

About The Author