Inilatag na ni Senate Committee on Energy Chairman Raffy Tulfo sa plenaryo ng senado ang Waste-to-energy bill na isa sa mga panukalang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address.
Layon ng panukala na magkaroon ng bagong energy sources habang napangangasiwaan ang solid waste ng Pilipinas.
Ayon kay Tulfo, titiyakin ng panukala na angkop ang bansa sa mga umiiral at made-develop pang waste-to-energy technology.
Nakasaad din sa panukala na bibigyang awtoridad ang mga lokal na pamahalaan na pumasok sa clustering arrangement at public private partnership para makapagtayo ng waste to energy facilities sa kanilang mga lugar.
Minamandato rin nito ang pagkakaroon ng heath impact assessment bago ang pagpapatayo at operasyon ng waste to energy facilities.
Itinatakda ng panukala na dapat ang buong waste-to-energy process ay nakakasunod sa Ecological Solid Waste Management Act.Pinagbabawal din nito ang paggamit ng imported waste para hindi maging tapunan ang Pilipinas ng basura ng ibang bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News