Binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros na buhay na buhay pa rin ang warrant of arrest na ipinalabas ng Senado laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito sa kabila ng kautusan ng Korte Suprema na magkomento ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa petisyon ni Quiboloy na humihiling ng temporary restraining order.
Sinabi ni Hontiveros na natanggap na nila ang kautusan ng Korte Suprema at inihahanda na ng kaniyang legal team sa pangunguna ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio ang tugon sa kataas taasang hukuman.
Sinimulan na anya nilang pag-aralan at pag-usapan ang kautusan ng Korte Suprema at sasagot sa takdang araw.
Muli ring nanawagan si Hontiveros sa PNP na doblehin ang kanilang pagsisikap upang mahanap ang puganteng pastor.
Bukod sa warrant of arrest ng Senado, may dalawa pang warrants ang inilabas ng mga korte laban kay Quiboloy.