Dinepensahan ni Vice President Sara Duterte, ang pananatili nito sa The Hague, sa The Netherlands, upang asikasuhin ang sitwasyon ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na naaresto ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa Bise Presidente, hindi nito nakakalimutan ang kaniyang trabaho bilang Ikalawang Pangulo ng Pilipinas.
Pagdidiin pa ni Duterte, araw-araw itong nakikipag-ugnayan sa Office of the Vice President (OVP), upang talakayin ang mga natitira pang proyekto ng OVP, na paglalaanan ng P700 million na pondo.
Ginawa ni VP Sara ang pahayag, makaraang sabihin ng Malacañang na dapat na itong bumalik sa Pilipinas, dahil mayroon pa itong obligasyon bilang bise presidente ng bansa.
Hanggang sa ngayon, nasa The Hague, pa rin si VP Duterte upang buuin ang legal team na hahawak sa kasong crimes against humanity ng kaniyang ama sa ICC.