Ipinababasura ni Vice President Sara Duterte ang impeachment complaint o articles of impeachment na inihain laban sa kanya.
Tinawag pa niyang scrap of paper o basura lamang ang impeachment complaint.
Kasabay nito, nagpasok ng not guilty plea ang Bise Presidente sa pitong articles of impeachment.
Nakapaloob ang mga ito sa 35-pahinang answer ad cautelam o answer with caution na isinumite ng Pangalawang Pangulo bilang pagtalima sa atas ng Impeachment Court.
Binigyang-diin sa sagot na dapat idismiss ang reklamo dahil maituturing itong void ab initio o walang saysay sa simula pa lamang dahil sa paglabag sa one year bar.
Bukod dito, wala rin aniyang nakahaing articles of impeachment sa Senate Impeachment court dahil ibinalik ito sa Kamara.
Binigyang-diin din ni VP Sara na hindi naipaliwanag ng Kamara kung paano naging high crime at impeachable offense ang umano’y assassination plot kina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ang sagot ni VP Sara ay tinanggap ni Senate secretary Atty Renato Bantug bago mag-alas-6 kagabi.
Samantala may limang araw ang prosecution upang maghain ng kanilang reply sa sagot ni VP Sara.