dzme1530.ph

VP Sara, inakusahan si Rep. France Castro na sentro ng nilulutong impeachment laban sa kanya

Inakusahan ni Vice President Sara Duterte si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro bilang sentro ng umano’y nilulutong impeachment laban sa kanya.

Sa bahagi ng recorded video na ibinahagi ng Office of the Vice President, muling sinabi ni VP Sara na hindi na siya nagulat tungkol sa impeachment laban sa kanya na bukas na pinag-uusapan sa Kamara.

Ipinaalala ng Bise Presidente ang sinabi ni Castro noong Nobyembre ng nakaraang taon na pinag-uusapan sa mababang kapulungan ang impeachment laban sa kanya at nagbigay pa ang mambabatas ng basehan sa ihahaing reklamo.

Idinagdag ni VP Sara na pagdating sa usaping pagpapatalsik sa kanya sa pwesto ay palaging nasa gitna si Castro.

Noong Agosto ay inihayag ng kinatawan ng act teachers na ang umano’y maling paggamit ni Vice President Duterte ng ₱73-M na confidential funds noong 2022 ay grounds for impeachment. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author