Lilipad patungong Japan si Vice President Sara Duterte ilang araw bago ang confirmation of charges hearing ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Kinumpirma ng Bise Presidente ang kanyang pagdalo sa event ng Filipino community sa Japan na itinakda sa Setyembre 20 hanggang 21.
Ayon sa Office of the Vice President, bahagi ng mandato ng Pangalawang Pangulo ang i-represent at isulong ang kapakanan ng lahat ng Pilipino, kabilang ang mga nasa ibayong dagat.
Itinakda naman ang confirmation of charges hearing ng nakatatandang Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber 1 para sa kasong crimes against humanity simula Setyembre 23 hanggang 26.
Layunin ng proceedings na tukuyin kung mayroong sapat na batayan para litisin ang dating pangulo kaugnay ng madugong war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.