Itinanggi ng isang House prosecutor na pinagkaitan ng pagkakataon si Vice President Sara Duterte na mapakinggan bago itransmit ang articles of impeachment sa Senado.
Ayon kay Cong. Joel Chua, chairperson ng House Committee on Good Government and Accountability, ilang hearings ang isinagawa ng Kamara kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng Department of Education (DepEd) at ng Office of the Vice President (OVP), subalit binalewala lamang umano ito ng Bise Presidente.
Binigyang-diin din ni Chua na ang bagong requirement ng Supreme Court, na ang ebidensya ay dapat sapat para mapatunayan ang impeachment charges, ay hindi naman aniya kasama sa dating mga kaso ng impeachment laban kina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Chief Justice Renato Corona.
Noong nakaraang linggo, idineklara ng Supreme Court sa pamamagitan ng unanimous decision na unconstitutional ang impeachment na itransmit ng Kamara sa Senado.
Paliwanag ng Kataas-taasang Hukuman, labag ito sa constitutional provision na nagsasaad na isang impeachment complaint lamang ang maaaring isampa laban sa isang impeachable official sa loob ng isang taon.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, nakasaad na tatlong impeachment complaints ang inihain ng mga pribadong indibidwal noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024, habang ang ikaapat, na inaprubahan ng mahigit one-third ng mga kinatawan ng 19th Congress, ay trinansmit bilang articles of impeachment sa Senado noong Pebrero 5, 2025.