Nais ni Senador Win Gatchalian na palawakin ang tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga mag-aaral na nasa mga pribadong paaralan at isama ang mga Kindergarten hanggang Grade 6.
Sa ngayon ang senior high school lamang ang nabibigyan ng tulong pinansyal ng gobyerno sa pamamagitan ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
Sa panukala ni Gatchalian, Voucher System na lamang ang gamitin sa paghahatid ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral, lalo na’t mas simple ang prosesong ito at dapat din anyang tiyaking may kalidad ang mga pribadong paaralang lalahok sa programa.
Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang mas malawak na Voucher System upang maiwasan ang patuloy na pagsikip sa mga pampublikong paaralan.
Ipinaliwanag pa ng senador na makatutulong ang panukalang programa na makabangon ang mga pribadong paaralan mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
Para sa SY 2020-2021, may 3.2-M mag-aaral sa mga pribadong paaralan, katumbas lamang ng 14% ng kabuuan ng enrollment sa basic education. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News