Tumaas pa sa 82.2% ang naitalang voter turnout ng Commission on Elections sa katatapos na National and Local Elections.
Sa press briefing, sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na umabot sa 57,350,968 ang bumoto sa nakalipas na halalan sa buong Pilipinas at iba’t ibang bansa.
Mula aniya ito sa kabuuang 69,673,653 na registered voters.
Ito ang pinakamataas na voter turnout sa kasaysayan ng midterm elections.
Pangalawa naman ito sa pinakamataas na voter turnout na 84.10% noong 2022 Presidential elections kung san mahigit 55 milyong botante ang aktwal na bumoto mula sa 65 milyong registered voters.
Sa kabila nito, mababang turnout pa rin ang naitala sa overseas voting.
Sa tantiya ni Garcia nasa 19% lamang ng mga registered overseas voters ang nakilahok sa internet voting habang nasa 25-26% ang nagsagawa ng automated counting machine voting.
Pinag-aaralan pa aniya nila kung ano ang mga naging problema kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa mahikayat ang marami sa ating mga kababayan abroad sa kabila ng mga ipinatupad nilang pagbabago para hikayatin ang mga ito na bumoto.