Kinumpirma ni Sen. JV Ejercito na nangako si Sen. Risa Hontiveros na ikukunsidera ang posibilidad ng virtual na pagharap ni Pastor Apollo Quiboloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Ayon kay Ejercito, binuksan nila ni Sen. Nancy Binay kay Hontiveros ag opsyon na paharapin na lamang online si Quiboloy upang mabawasan ang takot nito sa kanyang seguridad kung pisikal na pupunta sa pagdinig.
Sa panig anya ni Hontiveros sinabi nito na ikukunsidera niya ang virtual presence ni Quiboloy sa sandaling kilalanin na ng lider ng Kingdom of Jesus Christ ang awtoridad ng kumite na magsagawa ng imbestigasyon.
Samantala, itinanggi ni Ejercito na ang malawakang bashing sa kanya sa social media ang dahilan kaya binawi niya ang lagda sa motion laban sa contempt ruling kay Quiboloy.
Muling iginiit ni Ejercito na ang paglagda niya sa mosyon ni Senador Robin Padilla ay bilang reaksyon na rin sa pahayag ng Department of Justice na ipaghaharap na ng mga kaso si Quiboloy.
Kasabay nito, iginiit ni Ejercito na tao lamang din siya na pwedeng magbago ang isip ang mahalaga ay gagawin ang tama.