Nagbigay linaw si Senador Mark Villar kaugnay ng kanyang pagharap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa pagkakadawit ng kanyang pinsang contractor sa mga flood control projects.
Kinumpirma ni Atty. Brian Hosaka, executive director ng ICI, na hindi na muling pahaharapin sa Komisyon si Villar.
Ayon kay Hosaka, ang pagharap ni Villar sa ICI ay kasunod ng isyu sa mga proyekto ng kanyang pinsang si Carlo Aguilar ng I&E Construction, na natalakay rin sa nakaraang pagdinig ng komisyon.
Nilinaw din ni Hosaka na hindi na si Villar ang Secretary ng DPWH nang makakuha ang kanyang pinsan ng kontrata mula sa pamahalaan.
Ani Hosaka, ipinaliwanag ni Villar sa ICI ang proseso ng kanyang pagpapatakbo noon sa DPWH.
Sinasabing nakakuha si Aguilar ng P18.5-billion na kontrata para sa mga proyekto ng gobyerno.