Nagpahatid ng pakikiramay si Sen. Joel Villanueva sa mga pamilya ng mga Pilipinong marinong nasawi sa pinakahuling pag-atake ng pinaghihinalaang Houthi rebels sa Red Sea.
Kasabay nito, nananalangin siya para sa kaligtasan ng iba pang Pinoy na nananatili sa naturang lugar.
Hinimok din ng senador ang Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na patuloy na magbantay sa sitwasyon at tiyaking ligtas ang mga apektadong Pilipino sa nasabing rehiyon.
Bunsod ng mataas na panganib na kinahaharap ng mga Pilipinong marino, nanawagan si Villanueva sa DMW na pag-isipan ang posibilidad ng pansamantalang deployment ban.
Iginiit din niya ang muling pagrepaso sa mga kontrata ng seafarers upang matiyak na sumusunod sa batas ang mga manning agencies at principal.
Binigyang-diin ng senador na ang pangunahing layunin ay ang proteksyon at kapakanan ng mga Pilipinong marino, alinsunod sa Magna Carta of Filipino Seafarers na siya mismo ang may-akda.