Naalarma ang National Youth Council (NYC) sa kumakalat na promotional video ng New People’s Army (NPA) na humihikayat sa kabataan partikular sa mga estudyante na sumali sa kilusan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa recruitment ng NPA sa mga educational institutions, inilahad ni NYC Chairperson Ronald Gian Carlo Cardema ang mahigit isang minutong promotional video ng NPA na nang-eengganyo sa mga 18 gulang pataas na sumali sa paglilingkod sa bayan.
Sinabi ni Cardema na sa ngayon ay mahina ang pwersa ng NPA at dapat sabayan ng gobyerno ng public awareness ang puspusang recruitment ng rebeldeng grupo upang hindi mawalan ng saysay ang pagsisikap ng tropa ng pamahalaan na maibaba na sa 13 mula sa 89 na guerrilla fronts ng NPA.
Kaugnay nito, hinimok ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang PNP Anti-Cybercrime Group na tukuyin ang source ng promotional video at agad na sampahan ng kasong paglabag sa Section 10 ng Anti-Terrorism Act.
Nanawagan naman si Cardema sa gobyerno na papanagutin din ang mga educational institutions na pinapayagan ang recruitment sa kanilang mga estudyante.
Iginiit pa ng NYC Chairman na dapat maging maigting din ang aksyon ng gobyerno sa mga karahasan ng NPA sa kabataan katulad ng pagkakagulo ng lahat kapag may namamatay sa hazing ng mga fraternity.
—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News