Tinawag na deepfake at manipulado ng Malacañang ang video na gumamit sa boses ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., kung saan tila nagpapahiwatig na ito ng digmaan laban sa isang bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang deepfake ay isang advanced na uri ng digital content manipulation sa pamamagitan ng generative artificial intelligence (AI).
Nilinaw din ng Palasyo na walang anumang direktiba ang Pangulo sa militar na giyerahin ang anumang bansa.
Walang direktang pinatungkulang bansa ang Malacañang, ngunit mababatid na may isang kumalat na video kung saan sinabi ng Pangulo na lalaban na ang bansa sa China kung patuloy nitong aangkin ang ating mga teritoryo.
Kaugnay dito, nakikipag-ugnayan na ang PCO sa Dep’t of Information and Communications Technology, National Security Council, National Cybersecurity Inter-Agency Committee, at maging sa private sector stakeholders upang matugunan ang pagkalat at malisyosong paggamit ng mga video at audio deepfakes at iba pang generative A.I. content.
Hinikayat din ang lahat na maging aktibo sa paglaban sa fake news, misinformation, at disinformation, at maging responsable at maingat sa mga ishine-share sa social media.