dzme1530.ph

Victim-survivors, bibigyang pagkakataon na komprontahin si Quiboloy sa pagdinig ng Senado

Bibigyan nang pagkakataon ng Senate Committee on Women and Children ang ilan umanong victims-survivors ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na komprontahin siya sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mga alegasyon laban sa kanya.

Sa kanyang opening statement, inilabas na rin ni Sen. Risa Hontiveros ang pagkakakilanlan ng tatlo sa mga una nang tumestigo laban kay Quiboloy na sina Yulia Tartoba, alyas Sofia; Edward Ablaza Masayon, alyas Jackson at Jowar Martinet Olimba, alyas Jerome.

Sinabi ni Hontiveros na minarapat ng mga testigo na ilabas ang kanilang pagkakakilanlan at maging kanilang hitsura kasunod ng mga batikos sa kanila na sila ay mga duwag dahil sa pagtatago ng pagkatao.

Bukod sa mga dating tumestigo, may mga bagong testigo rin na haharap at maghahayag ng kanilang mga alegasyon laban sa pastor.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na target nilang alamin sa pagdinig kung may kakulangan sa mga batas partikular ang Rape Law at Labor Law.

Sinabi ng senadora na mahalagang siyasatin kung may pagkukulang ba ang batas at hindi napaparusahan ang mga lider ng religious organization na pinagtatakpan ang kasamaan gamit ang pananampalataya.

Pinasalamatan ni Hontiveros ang lahat ng mga dumalo sa pagdinig sa kabila ng pananalasa ng bagyo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author