Naniniwala si Manila Rep. Rolando Valeriano na sa kasalukuyang political environment, ang pag-aalis sa 12% value-added tax (VAT) sa kuryente ang pinaka-tatanggapin ng taumbayan.
Sa gitna ng galit ng publiko sa mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan, sinabi ni Valeriano na ang pagtanggal ng buwis sa kuryente ang tanging hakbang na magugustuhan ng mamamayan.
Paliwanag ng Committee on Public Order and Safety chairman, babalik din sa ekonomiya ang mawawalang buwis dahil madaragdagan ang purchasing power ng bawat pamilya mula sa natipid na 12% VAT.
Pabor din si Valeriano na itaas sa ₱300,000 ang non-taxable annual individual income tax rate ceiling mula sa kasalukuyang ₱250,000, at alisin ang final tax sa bank deposits na ang balanse ay hindi hihigit sa ₱5,000.
Giit pa ng kongresista, bumaba na ang halaga ng pera kumpara noong 2018 nang isabatas ang kasalukuyang tax rate, kaya marami sa mga minimum wage earners na dati’y exempted sa buwis ay ngayon ay kabilang na sa taxable income bracket.