Umaasa si Senate Committee on Ways and Means Chairman Win Gatchalian na maisasakatuparan nila ang batas para sa pagpapataw ng 12% VAT sa mga non-resident companies na nagsasagawa ng digital transactions sa bansa.
Nakipagpulong si Gatchalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para isapinal ang panukalang paniningil sa mga non-resident digital service providers.
Kabilang sa mga tinutukoy dito ang mga dayuhang service providers gaya ng Netflix, Spotify at Zoom.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na bagamat may posibilidad na ipasa lamang ng mga kumpanya sa mga consumer ang VAT ay mas posibleng hindi nila ito gawin sa ngalan ng kompetisyon.
Tiwala rin si Gatchalian na hindi makakaapekto sa posibleng pamumuhunan ng iba pang foreign service providers ang panukala dahil may ganito na ring polisiya sa ibang mga bansa.
Katunayan anya sa mga bansang kasapi ng ASEAN ay pito na ang may ganitong batas at sa buong mundo ay nasa 120 na bansa na ang nagpapataw ng VAT. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News