Iginiit ng Department of Energy (DOE) ang VAT-exemption sa pagbili at pagbebenta ng indigenous natural gas, gayundin ang pagbebenta ng enerhiya gamit ang Indigenous Natural Gas.
Sa pagpupulong ng Senate Committee on Energy Technical Working Group kaugnay sa Senate Bill 2247, sinabi ni Energy Undersecretary Sharon Garin na ito ay bilang bahagi ng fiscal incentives para sa pagpapalakas ng natural gas industry sa bansa.
Layun ng Senate Bill 2247 na inihain ni Senador Raffy Tulfo na makabuo ng comprehensive at integrated legislative policy para sa rapid development ng natural gas sector ng Pilipinas.
Nanawagan si Garin sa Department of Finance na paboran ang fiscal incentives para sa natural gas investors dahil nararapat lamang anyang bigyan ng insentibo ng gobyerno ang key players ng natural gas upang matiyak ang pagpapalakas ng commercial transaction at lumaki pa ang investment sa indigenous natural gas industry.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Donnabel Kuizon Cruz, Managing Director at General Manager ng Prime Energy na kadalasan ay tumatagal ng pito hanggang 10 taon ang indigenous gas exploration hanggang sa production.
Nanindigan si Garin na ang paggamit ng indigenous natural gas resources ang solusyon sa mataas na bayarin sa kuryente at sa energy security sa kabuuan.