![]()
MAKAKATULONG upang mapigilan ang nagbabadyang krisis sa imprastraktura ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na agarang bayaran ang mga kontratistang nakatupad sa kanilang obligasyon sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.
Ito ang pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kasunod ng direktiba ng Pangulo na tiyakin ang maagap na pagbabayad sa mga kontratistang nag-deliver ng de-kalidad na serbisyo para sa mga government infrastructure projects.
Iginiit ni Lacson na nararapat lamang na bayaran agad ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga outstanding obligation sa mga kontratistang tumupad sa mga pinasok nilang kontrata.
Mahalaga anya ito upang mapanatili ang tiwala ng pribadong sektor sa pamahalaan.
Sa gitna ng pag-aatubili at pagtanggi ng maraming kontratista na lumahok sa public bidding para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Lacson na makatutulong ang utos ng Pangulo upang maiwasan ang pinangangambahang krisis sa imprastraktura na maaaring idulot ng mga ipinatutupad na reporma ng ahensya para sa tamang paggamit ng pambansang pondo.
Dagdag pa ng senador, makatutulong din ang kautusan upang mahikayat ang mga matitinong kontratista na muling lumahok sa public bidding sa kasalukuyang panahon.
Gayunman, iginiit ni Lacson na dapat parusahan ang mga kontratistang patuloy na gagawa ng katiwalian.
