Nagbabala si Sen. Alan Peter Cayetano sa posibilidad na lalong malubog ang bansa sa obligasyon dahil sa mga pinapasok na loan agreements na hindi dumadaan sa pagbusisi ng Kongreso.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) kaugnay ng panukalang 2026 National Expenditure Program, iginiit ni Cayetano na halos wala nang kapangyarihan ang Kongreso sa mga foreign-assisted projects kapag napirmahan na ito ng Executive branch.
Idinagdag ng senador na bagaman malinaw sa Konstitusyon na kailangan ng appropriation bago gumastos ng pondo ng bayan, napipilitan ang Kongreso na igalang ang mga utang kahit hindi ito dumaan sa kanilang pag-apruba.
Pinuna rin ni Cayetano ang DBCC at Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang papel tuwing nagbabago ang financing ng proyekto, na naglalagay sa gobyerno sa panganib ng arbitration o penalty costs.
Binalikan niya ang kaso ng Laguna Lake C6 project na orihinal na Public-Private Partnership ngunit kalaunan ay naging loan na may Asian Development Bank at Korean partners matapos lagyan ng contingent liability clause.
Binanggit din nito ang Laguna Lake dredging project na sinibak noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ngunit nauwi pa rin sa pagbabayad ng Pilipinas ng danyos sa arbitration kahit hindi man lang ito napag-usapan sa Kongreso.