Kinumpirma ni Senador Chiz Escudero na umakyat na sa P6-B ang utang ng Department of Budget and Management sa mga state at local universities and colleges para sa Academic Year 2022-2023 dahil sa tumataas na bilang ng enrollees.
Ipinaliwanag ni Escudero na kinapos ang budget projection ng DBM dahil sa mas mataas na bilang ng enrollees matapos ang pandemya.
Inihayag pa ng senador na lumagpas sa budget allocation free tertiary education o Universal Access to Quality Tertiary Education Act ang mga SUCs at LUCs dahil sa pagtanggap nila ng sobra-sobrang estudyante.
Ipinaliwanag ni Escudero na hindi gaya ng public schools sa basic education, hindi pwedeng tanggap lang ng tanggap ng mga estudyante ang SUCs at LUCs dahil may entrance exam naman ang mga ito.
Hinimok na rin ng mambabatas ang CHED at DBM na pag-aralan kung anong susunod na gagawin sa pagtatapos ngayong taon ng moratorium para sa tuition increase ng SUCs at LUCs, alinsunod sa UniFAST.
Binigyang-diin pa ng senador na kailangan ng CHED ng karagdagang P4-B para mapondohan ang programang Tertiary Education Subsidy (TES) na nagbibigay ng financial assistance sa mga lugar na walang public universities at colleges.
Para sa taong 2023, hindi tumanggap ng bagong TES applicants ang CHED dahil sa kakulangan sa budget. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News