Tiniyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi binabalewala ng Senado ang usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Pimentel na nasa prayoridad pa rin ito ng Senado kahit hindi na naihabol sa agenda ng huling araw ng sesyon ang tungkol sa natanggap na articles of impeachment laban kay Duterte na mula sa Kamara.
Ipinaalala ni Pimentel na ang Senado ang tatayong korte kaya hindi dapat maging excited o atat sa magiging proseso nito.
Sinabi nito na dahil impeachment court ang mataas na kapulungan ay dapat normal at relax lang ang kanilang pagkilos tungkol sa tuluyang pagpapatalsik kay VP Sara.
Ipinaliwanag pa ng senador na hindi agad naisalang sa plenaryo ang impeachment dahil irereport pa ito ng Senate Secretary sa opisina ng Senate President subalit judgment call na ng lider ng Senado kung isisingit ito sa sesyon kahit katatanggap pa lang at wala rin sa agenda.