Inihayag ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang Upper Wawa Dam sa Rodriguez Rizal ang magiging pinaka-malaking source o pagkukunan ng tubig sa susunod na 50-taon.
Sa kanyang talumpati sa Impounding Process Ceremony sa Upper Wawa Dam, sinabi ng Pangulo na sa mga nagdaang taon ay nabalot ng problema sa water shortage ang Metro Manila at mga katabing lugar, dahil hindi na kaya ng Angat Dam na matugunan ang pangangailangan ng 14 milyong residente.
At sa oras umano na makumpleto ang Phase 2 ng Wawa Bulk Water Supply Project ay inaasahang mapatataas nito sa 438 million liters mula sa 80 million liters kada araw ang suplay, at maaari pa itong umabot sa 710 million liters.
Bukod dito, itataguyod din nito ang Climate Resilience sa pamamagitan ng pag-protekta sa mga kalapit na komunidad mula sa pagbaha at epekto ng tagtuyot.
Kaugnay dito, nanawagan ang Pangulo sa Prime Infra at Joint Venture na WAWAJVCo na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa Dep’t of Environment and Natural Resources para sa watershed protection ng Upper Wawa Dam, at reforestation at biodiversity preservation sa Upper Marikina River Basin.