dzme1530.ph

Unplanned shutdown ng mga planta, iginiit na hindi heat index ang dahilan

Hindi tinanggap ni Senador Chiz Escudero ang paliwanag ng Department of Energy (DOE) na may kinalaman ang mataas na heat index at temperatura dulot ng El Niño sa pagpalya ng mga planta kaya nagkakaroon ng ‘unplanned’ shutdown.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, ipinaliwanag ni DOE Usec. Rowena Guevarra na apektado ng mataas na heat index ang mga power plant operations kaya  nagkakaroon  blackout o brownout sa ilang mga lalawigan.

Subalit iginiit ni Escudero na hydropowerplants lang ang dapat na apektado ng matinding tag-init at hindi kasama ang coal, wind at lalo na ang solar energy na sa init ng araw kumukuha ng enerhiya.

Naglabas din ng data si Escudero kung saan inilatag nito sa pagdinig na hindi ang init ng panahon ang may kasalanan sa mga nagaganap na shutdown ng planta.

Ipinaliwanag ng senador na mula 2020 hanggang 2023, pumalo sa mahigit 11,900 ang unplanned outages o ang bigla at walang abiso sa DOE, ang systems operator at ERC sa gagawing maintenance shutdown ng mga planta.

Malayo ito sa halos 700 planado at scheduled maintenance shutdown sa kaparehong period.

Bukod dito, tinukoy din ni Escudero ang taong 2020 kung saan hindi pa naman singtindi ng init ang panahon sa ngayon pero umabot sa 2,801 ang unplanned outages kung ikukumpara sa 93 na planned outages.

Iginiit pa ng mambabatas na mula pa noong 2020 ay 10 percent lang ang planned shutdown habang 90 percent ang unplanned shutdown o maintenance ng mga power plants kaya noon pa man aniya ay sadyang madalas na ang problema sa suplay ng kuryente.

About The Author