Hinimok ni Albay Rep. Joey Salceda si Sen. Imee Marcos, na isabatas ngayong 19th Congress ang Universal Social Pension Bill para sa lahat ng senior citizens na pending sa Senado.
Sa sulat na ipinadala ni Salceda kay Sen. Marcos, tiniyak nito na kayang isustine o fiscally viable ang Universal Social Pension for Filipino Seniors.
Sa inaprubahang bersyon sa Kamara, bibigyan ng ₱500 per month ang mga seniors na edad 60 hanggang 69, habang ₱1,000 para sa mga 70-years old pataas, at ia-adjust depende sa annual inflation.
Pananatilihin rin ang kasalukuyang ₱1,000 per month na tulong sa mga indigent seniors.
Giit ni Salceda, magagawa pa itong pagtibayin sa nalalabing 2 linggong sesyon simula sa June 2 hanggang 14.
Sa fiscal note ni Salceda, ngayong 2025 mangangailangan lamang ng ₱88.2-B ang programa at cover na nito ang 10.1-M senior citizens nationwide.