Bubuuin at gagawin muling pormal ang Uniteam sa harap ng papalapit na 2025 midterm elections.
Ito ang inihayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. kasabay ng pagsasanib-pwersa ng Partido Federal ng Pilipinas at Lakas–CMD.
Sa kaniyang talumpati sa Alliance Signing Ceremony sa Manila Polo Club sa Makati City, sinabi ng pangulo na patuloy na isusulong ang pagkakaisang binuo ng Uniteam noong 2022 elections.
Sa pagtatagumpay umano ng Unity campaign ay sinimulan ang whole of Gov’t Approach o ang sabay-sabay na pagkilos ng lahat ng ahensya at Departamento para sa pagpapaganda ng buhay ng bawat Pilipino.
Kaugnay dito, bilang preparasyon sa paghahain ng kandidatura sa Oktubre, sinabi ni Marcos na kailangang ipa-alala ang pangunahing rason ng pagtakbo sa pulitika, ito ay ang pagkakaisa na tanging solusyon sa mga suliranin ng lipunan.
Idinagdag pa nito na kina-kailangan pa rin ang sabay-sabay na pagtutulungan para sa layuning pagandahin ang Pilipinas at ang buhay ng bawat Pilipino.