Hinikayat ni UNESCO National Commission Secretary General Ivan Henares, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang lokal na pamahalaan ng Bohol na imbestigahan ang mga posibleng paglabag ng pamunuan ng Captain’s Peak Resort sa pagtatayo nito ng resort sa paanan ng Chocolate Hills.
Ayon kay Henares, mistulang hinukay ang bahagi ng Chocolate Hills para lang itayo ang nasabing resort.
Dahil dito, hinimok ni Henares ang Protected Areas Management Board (PAMB) na muling rebyuhin ang mga panuntunan para sa pagtatayo ng establisyimento sa isang protected area upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito.
Samantala, hindi naman sinagot ni Henares kung nakaaapekto ang pagtatayo ng resort sa pamosong Chocolate Hills sa pagiging UNESCO Global Geoparks nito.