dzme1530.ph

Unang batch ng mga OFW na na-repatriate mula sa Middle East, nakauwi na sa bansa

Loading

Nakauwi na sa bansa ang unang batch ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na na-repatriate mula sa iba’t ibang bansa sa Middle East, sa gitna ng hidwaan sa pagitan ng Israel at Iran.

Mag-a-alas otso kagabi nang lumapag ang sinakyan nilang eroplano mula Qatar, sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport.

Una nang na-delay ang flight ng OFWs matapos pansamantalang isara ng Qatar ang kanilang airspace, makaraang bombahin ng Iran ang U-S military base sa Doha.

Ang mga umuwing OFWs ay kinabibilangan ng 26 mula sa Israel, tatlo mula sa Jordan, at tig-isa mula sa Palestine at Qatar.

Kasama rin nila sa flight si Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac na personal na inasikaso at sinundo ang mga umuwing Pinoy.

Pagkakalooban ng karampatang tulong ang mga OFW na nag-avail ng repatriation program ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

About The Author