dzme1530.ph

Unang bahagi ng North-South Commuter Railway project, target makumpleto sa taong 2026

Kumpiyansa ang Philippine National Railways (PNR) na makukumpleto ang konstruksiyon ng unang bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) project sa taong 2026.

Ayon kay PNR Chairman Michael Macapagal, target ng ahensya na matapos sa loob ng tatlong taon ang initial phase ng proyekto na nagkakahalaga ng P873.6-B kabilang na ang 8 istasyon mula sa Malolos, Bulacan patungong Valenzuela City.

Ang naturang 147-kilometro railway ay may 35 station, 800,000 passenger capacity kada araw at 50 train sets na mayroong 8 bagon bawat isa.

Kumukunekta ito sa mga probinsya ng Pampanga, Bulacan, at Laguna sa National Capital Region.

Ani Macapagal, sa pamamagitan ng proyektong ito ang nakagawiang isang oras na biyahe sa pagitan ng Bulacan at hilagang bahagi ng Metro Manila ay magiging 20 minuto na lamang.

Inaasahan namang makukumpleto ang buong proyekto sa taong 2028 o kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author