dzme1530.ph

UN Special Rapporteur, nais makilahok sa paglutas ng SC sa kasong libel ni Maria Ressa

Dumulog sa Korte Suprema ang kampo ni UN Special Rapporteur Irene Khan upang mag-participate sa kasong libel na kinakaharap ni Maria Ressa.

Naghain ng motion to intervene to appear as amicus curiae and to admit amicus curiae brief  si Atty. Rodel Taton, Dean ng San Sebastian College-Recolletos Graduate School of Law.

Ayon kay Atty Taton, nirerepresenta niya si UN Special Rapporteur on the Promotion of the Right to Freedom of Opinion and of Expression Irene Khan.

Aminado si Taton na ang amicus curiae o friend of the court ay iniimbitahan ng Korte Suprema upang magbigay ng wisdom o pananaw alinsunod sa kanilang tinataglay na kaalaman o expertise.

Ngunit iginiit ni Taton na si Khan na isang eksperto ay itinalaga ng UN Human Rights Council na nagtataglay ng mga pribilehiyo at immunities, naatasan din na mangalap ng mahahalagang impornasyon patungkol sa mga paglabag sa karapatan sa pamamahayag, maghain ng rekomendasyon at suhestiyon upang higit na maprotektahan ang mga nabanggit na karapatan.

Nababahala aniya ang Special Rapporteur sa kabiguan ng pamahalaan na proteksiyunan ang karapatan sa pamamahayag sa bansa alinsunod sa itinatakda ng Article 19 ng International Covenant on Civil and Political Rights kung saan signatory ang Pilipinas.

Partikular aniyang ikinababahala ng UN Rapporteur ang Cybercrime Prevention Crime ng bansa na mistulang kumokontrol  sa kakayanan ng mga mamamahayag na ilantad, ídokumento, at lutasin ang usapin na may kinalaman sa interes ng publiko. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author