dzme1530.ph

Umento sa sweldo ng mga guro, hinahanapan ng long-term solution ng pamahalaan

Naghahanap ang Marcos administration ng posibleng long term solution upang matugunan ang panawagang umento sa sweldo ng mga guro, ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte.

Sa ambush interview sa Victorino Mapa High School sa Maynila, sinabi ni Duterte na tumatanggap ng salary increase, in tranches, ang mga guro kada taon simula noong 2020, kasabay ng pagtukoy sa Salary Standardization Law of 2019.

Gayunman, inihayag ng bise presidente na inatasan siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakaraang taon na pag-aralan kung paano maitataas ang sahod ng teaching at non-teaching personnel ng DepEd sa pamamagitan ng long-term basis.

Sa ngayon aniya ay hinihintay nila ang resulta ng pag-aaral kung saan nakapaloob ang pagkumpara ng salary increase sa inflation at sa forecast ng economic indicators sa mga darating na taon.

Una nang nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng P50,000 na entry-level pay para sa mga guro at P33,000 para sa salary grade 1 employees. –sa panulat ni Lea Soriano

About The Author