dzme1530.ph

Umano’y conflict of interest sa panunungkulan ni DENR Sec. Yulo, pinasisilip

Hiniling ni Sen. Raffy Tulfo sa Senado na imbestigahan ang umano’y conflict of interest sa panunungkulan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga.

Sa Senate Resolution 985, binanggit ni Tulfo ang report kaugnay sa sinasabing pagkamkam ng pamilya Yulo-Loyzaga na 40,000 hectares na lupain sa Coron at Busuanga na tinawag na Yulo King Ranch na naideklara namang pasture reserve noong 1975.

Maituturing aniya ang lupain na public domain o pagmamay-ari ng sambayanan at hindi ng pribadong indibidwal.

Sinabi ni Tulfo na ito ang dahilan kaya’t mula 2015 hanggang ngayon, daan-daang mga magsasaka ang nagwewelga sa Palawan at hinihiling na ipamahagi sa kanila ang 900 hectares na nakapaloob sa rantso.

Alinsundo sa Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 (E-NIPAS) Act of 2018, mandato ng DENR Secretary na magpalabas ng mga patakaran para pangalagaan ang mga protected area nang naaayon sa polisiya ng batas.

Subalit kwestyunable kay Tulfo ang naging pahayag ni Yulo sa pagdinig sa Senado na hindi nila planong galawin ang mga iligal na negosyo gaya ng mga resort na naipatayo sa mga protected area tulad ng sa Mt. Apo, bagkus ay hahanapan niya ito ng “common ground” alang-alang sa mga nagtatrabaho doon.

About The Author